Tukmol: Ang Unang Pagsabog ng Usok sa Bibig

Ang Unang Pagsabog ng Usok sa Bibig

"Present!".
"Ronnie Del Pueva..."
"Present po!"
"Sonny Regalvez..."
"Nandito po Ma'am!"
"Cherry Santolan...:
"Andito po!"
"Leonard De Guzman..."
"Hmmmmm..sent".
"Leonard ayusin mo nga ang pagsasalita mo!"
"uunuin o ang o"
"Leonard niloloko mo ba ako?... anong... Bakit kumakain ka ng pandesal sa loob ng klase at malayo pa ang recess ah!?" Pasigaw ni Ms. Rufina sa isang di naligong estudyante na si Leonard.
Lunok. "Sabi ko po mam, Present at lulunukin ko lang po!" baluktot na sagot ng madungis na estudyante. "Leonard! Hindi ito oras ng pagkain! Kakapasok niyo pa lang!" "eh, kasi po mam, nangati ako kanina kinakagat ng langgam ang legs ko. Tapos nung tignan ko kung saan nanggagaling ang mga langgam, sa bag ko po. Pagkabukas ko nilanggam na pala yung baon kong pandesal kahapon, nakalimutan ko kasing kainin dahil nilibre ako ni Ronnie ng ampi dampi kahapon tapos binigay ni Jan jan ang tira niyang ice water. Sayang po kasi itong pandesal kung itatapon lang at pagagalitan niyo rin ako, kung naman hahayaan kong langgamin baka po pati mga klasmeyt ko mangati, kaya ipinagpag ko na lang po at kinain." nakayukong katwiran ng binatilyo." Tapos ka ng magsalita?" tanong ng titser na nasira ang umaga. "Hindi pa po mam, tatanungin ko rin po sana kung nakakalason ba ang pagkain ng maraming langgam? at..." "LEONNNNNAAAARRRD!!! Tayo!... sa labas!" sigaw ni Ms. Rufina na di na pinatapos ang binatilyo. "Opo! Opo!" Mabilis na lumabas si Leonard na nakangiti na parang tumama ng lotto. Ilang segundo lang at sumunod na lumabas si Luis, ang pinsan niya. "Ano gumigimik ka rin ba?" tanong ni Leonard "Hindi ha!" mabilis na sagot ng pinsan. "Eh ikaw ano ang gimik mo ngayong araw na ito?" dugtong pa niya. "Di naman totoong nilanggam iyon eh! Almusal ko talaga 'yon late lang ako kaya dinala ko, at nagpahuli talaga ako para palabasin ako." sagot ni Leonard habang ipinapasok sa bulsa ang kanang kamay. At inilabas ang dalawa pang pandesal sa bulsa. "Gusto mo?" halok ni Leonard. "Nakuha ko na, kaya nagpahuli ka para makain mo pa ang dalawang pandesal na yan?" "Hahaha! tama ka!" Sagot ulit ni Leonard. "Sabihin mo na kung ano naman ang gimik mo ang daya mo eh." dugtong pa niya. "Pinagtanggol kita!" Nakangiting Luis. "Sinabi ko, kawawa ka naman baka hindi ka pa nag-aalmusal pinatayo ka na niya!" "Haha! salamat sa pagtatanggol. Ngayong nakapag-almusal na ako, ok na ok na ako! Eh ikaw?" "Ayaw ko lang talagang talagang maglead ng prayer eh, kaya ok ng nandito ako!" "Luis! pumasok ka muna dito at ikaw ang maglilead ng prayer." Biglang sulpot na boses ni Ms. Rufina. "ah...eh... si... sige po".

"Lets baw ar ed en pil da present op awar Lord"
"awar pader wu artingeben alowd be day neym day kingdom kam, day will be dan, on ert atitis in eben, gib us dis day awar deyli bred en porgib as awar sin as we porgib dows who sin ageyns as, eymen" Isang napakahinang dasal na halos siya lamang ang nakakarinig. "Sige bumalik ka na doon at kalahating oras pa ang iyong pagtayo!" Sabi ulit ni Rufina.

Lumipas ang buong araw at uwian nanaman. Kung ano man ang natutunan ni Leonard ay nakalimutan na niya dahil sa pagmamadali na mapanood ang mga anime na inaabangan niya araw-araw. Alas kwatro hanggang alas singko imedya ang pinakamasayang oras ng mga kabataan pagdating sa panonood ng TV. Pagkatapos nilang napanood ang inaabangan nilang anime, pag-uusapan pa nila ito kinabukasan sa eskuwelahan, at ang iba naman ay napag-uusapan na sa kanilang tambayan. Nag-uumpisa ang oras ng kanilang pagtatambay pagkatapos makapanood ang mga paboritong anime.

Maganda ang bihis ni Leonard ngayon, suot ang bago niyang rambo na tsinelas at ang puruntong niyang salawal. At sa tabing bahay naman ay Luis na naka puruntong din pero mas bigatin ang tsinelas niya dahil naka Journey siya. Sikat ka sa barakada kapag ang tsinelas mo ay Journey. Nagkita kita ang magkakaklase at magkakabarkada sa bakanteng lote ng kanilang barangay. Sina Leonard, Luis, Ronnie, Sonny at si Jan-jan. Hindi sila Fraternity pero may pangalan ang kanilang grupo, sila ang Tukmolismo. At ang lider nila ay walang iba kundi si...

...Kunwari focus ang camera sa paa, pataas, masyadong maliwanag ang background at nakakasilaw ang sinag ng palubog na araw at di halos makita ang itsura ng isang taong parang bida sa isang anime na ngayon lamang nagpakita. Siya si Tukmol ang lider ng Tukmolismo. Kuya, Ang tawagan ng mga Tukmolismo. Kung mas mataas ang iyong ranko ikaw ang pinaka-kuya nila."O kuya kumusta? napanood mo ba?" Pasimulang tanong ni Leonard. At nagsimula na ang ugaling Pilipino na paubusan ng nakitang senaryo sa pinanood. "Oo, nakakabigla nga na magkapatid pala sila." Sagot ni Tukmol. "Sa susunod siguradong maglalaban sila kahit na magkapatid sila, buhay ng anak ang nakataya eh." Sabat naman ni Jan-jan. "Sabi ng tito ko napanood na niya daw sa cable dati yon at mamamatay daw siya at muling mabubuhay!" Sabi rin ni Luis. "Hindi totoo iyon! kitang-kita naman sa mga postcard na siya ang panalo sa laban nila eh!" kontra ni Sonny. "Maiba ako..." pagputol ni Tukmol sa diskusyon ng grupo, "...May assignment ba tayo?" dugtong pa niya. "Oo meron. Drawing lang naman. Kayang kaya mo iyon!" Sagot naman ni Leonard. "Bakit di ka nga pala pumasok kuya?" tanong ni Sonny. "Masakit kasi ang ngipin ko eh, at tinatamad din akong pumasok." mabilis na sagot ni Tukmol.

Hinanap ni Tukmol ang nakatago niyang sigarilyo sa isang maliit na halaman sa bakanteng lote. "Aba! bakit dalawang stick na lamang ito?" halatang nakita na niya. "Kuya kinuha ko ang isa kahapon di ba? hiningi ko naman iyon di ba?" depensa ni Leonard. Ini-abot ni Sonny ang pospora sa kuya ng grupo at kaagad na isinindi ni Tukmol ang mamasa masang sigarilyo. "Ihi muna ako" ani Luis. Si Luis ang pinakamatangkad sa grupo kaya kahit tumayo siya sa isang bahagi ng sirang pader ay kitang kita niya ang mga dumadaan.

Kahit malapit lang ang pader sa kinaroroonan ng grupo napatakbo pa rin si Luis papunta sa kanila at sinabing "Kuya! ang nanay mo papunta dito at malapit na!". Sabay tapon ni Tukmol sa kanyang sigarilyo at eksato namang lumitaw sa senaryo ang kanyang ina. "Hoy tukmol! Ilang ulit ko bang sasabihin sa iyo na huwag mong isusuot ang tsinelas ng tatay mo! Heto ang isuot mo akin na yang mga yan!". Lumapit si Tukmol sa ina at iniabot ang tsinelas ng ama. Naamoy ng kanyang ina ang amoy ng sigarilyo kaya't "naninigarilyo ka ba?". Nanlaki ang mga mata ni Tukmol at di makasagot. "Tinatanong kita naninigarilyo ka ba?" ulit ng ina. Galaw sa kaliwa, pakanan ang ulo ni Tukmol isang salita ng ulo na ibig sabihin "Hindi". "Sumagot ka ng maayos Tukmol!" Pasigaw na ang ina. "HINDI PO!!!!" sagot ni Tukmol na siya namang paglabas ng usok sa kanyang bibig. Makapal na usok ng sigarilyo na maaring makapinsala sa lima o anim na lamok.

0 comments: