Tukmol: Sakit ng tiyan sa Field Trip

Tukmol: Sakit ng tiyan sa Field Trip

At nakaligtas sa sermon si Tukmol dahil wala na ang ama niya nang makauwi siya. Kinabukasan pasukan na naman at sa pagkakataong ito, pumasok si Tukmol. "Lester! Bakit di ka pumasok kahapon?" Tanong ni Ms. Rufina. "Masakit po kasi ang ngipin ko, kaya di na ako pinapasok ng aking ina" isang sagot na diretso ang tingin sa mga mata ni Ms. Rufina. Alam na ni Tukmol ang lumang style ng Titser, kung di ka makatingin ng diretso, nagsisinungaling ka. "Sa susunod magpadala ka ng excuse letter kung aabsent ka, sige ikaw na ang maglead ng prayer". "Maam di po ako katoliko, iba po ang relihiyon namin nagdadasal lang po kami kapag kumakain, matutulog at pagkagising kaya di po ako pwedeng mag lead ng prayer" Katwiran ng isang binatilyong uwiiwas sa pagdarasal. Mabilis ang tingin ni Ms. Rufina kay Leonard at sinabing, "Leonard ikaw na lang ang maglead total ikaw dapat ang bukas." "uhm madam respeto lang po sa aming paniniwala, kasi di kami naniniwala sa repeated at memorize na dasal eh, pwedeng sariling dasal na lang po?. Request ng binatilyo. "Mas mainam kung ganon! sige na dasal na!". "Tayo po ay yumuko at manalangin, Lord salamat po sa araw na ito! Sana bukas meron pa! Thank you po! Amen". Walang nagawa ang batang mukhang matandang titser sa mga magugulang na binatilyo. "Class sa sabado na nga pala ang Field Trip natin sa Mt. Pinatubo kaya maghanda handa na kayo!" isang announcement ni Ms. Rufina na nagpabigla kay Tukmol. "Hindi ko yata alam ang fieldtrip na ito ha!" sabi sa sarili ni Tukmol. Kahit ano pa ang sinabi ni Tukmol sa kanyang sarili, lumipas at lumipas pa rin ang mga araw at dumeretso na sa Sabado. Nagkita kita ang mga magkakaklase sa school, may dalang bag na ang laman ay pagkain, camera, kumot at mga extrang damit. Kakaiba sa lahat ang laman ng bag ni Tukmol. Isang fishnet, alambre at posporo. "hehe nakita ko na ang picture ng pinatubo, may lawa siya sa gitna at maaring mamangka sa lawang iyon tiyak na makakapangisda rin ako at iyon na ang kakainin ko. Sigurado ring may mga puno sa pupuntahan namin gagawa ako ng panungkit at kukuha na lang ng mga prutas. Posporo, para sa pagluluto ng isda." Upang maiwasan ang masyadong maraming kaganapan, sasabihin na lang natin na lumipas ang oras at nakarating na sila sa kanilang destinasyon. Tuwang-tuwa ang mga binatilyo at dalagita sa kanilang nasaksihan. Isang mainit init na lawa sa bukana ng bulkang Pinatubo. Malapit na ang kainan kaya't inilabas na ni Tukmol ang kanyang Fishnet, lumusong sa lawa ng ilang metro at inihagis ang fishnet, nagtawanan ang mga kaklase. "hahaha absent ka kasi ng absent eh! kaya hindi mo alam na walang isda diyan!" sabi ng isa sa mga dalagitang kaklase. "Bakit kailangan ko bang pumasok para malaman kung may isda sa lawa o wala?" Pikon na pagkasabi ng binatilyo na umuusok usok pa ang ilong. "Lester, walang isda riyan. Tandahan mo isa itong bulkan hindi basta basta lawa." Sabi naman ni Ms. Rufina. Wala ring mga puno na namumunga para sungkitin kaya nabigo rin ang kanyang alambre. Biglang nawala ang pagiging Bida ni Tukmol nang kakain sila ng tanghalian. "Oh, Lester bakit di mo pa nilalabas ang baon mo? kainan na!" tanong ni Ms. Rufina. "Busog pa ako maam, madami daming kanin ang inalmusal ko kaninang umaga", Parang anime rin kung tumunog ang tiyan ni Tukmol na kunwari ay may sounds na, "ruuuuuhuuughuuug", na sa anime sa tuwing magsisinungaling na kunwari ay di gutom lumalabas ang tunog na iyon. Ganoon din ang lumabas na tunog sa tiyan ni Tukmol, yun nga lang walang nakarinig nito at walang mga cartoons na nagtawanan, wala ring lumabas na mamula mula sa kanyang pisngi. Kumakain na ang mga estudyante habang si Tukmol naman ay kunwari patingin tingin sa paligid at kunwari lumayo ng konti sa kanila at umupo sa isang lugar. Kung meron mang camera at kung nasa monitor o telebisyon ang istorya makikitang may isang kamay na lumabas sa screen, kumikinang na mga kamay, may hawak na sandwich, kalahati nga lang. Di muna pinakita sa screen ang itsura ng nag-aabot ng sandwich kay Tukmol, gayon pa man siya si Leonard. Nakangiti. Kumikislapkislap ang paligid, parang may pakpak ng anghel. Naging kulay black ang mga mata ni Tukmol at may konting puti na ang dating ay nanginginignginig at maluha-luha. Siyempre imahinasyon lamang iyon kung isa man itong anime. "Salamat! Sakto bigla akong nagutom" sabi ni Tukmol. "Nakaanim na kasi akong sandwich, sayang naman kung itatapon ko lang ang kalahating yan" nakangiting pagkasabi ni Leonard. "Langya ka may Pito kang sandwich at hinati mo pa ang pang pito at ibibigay sa akin!". "Ayaw mo kuya?". "Akin na!" walang utang na loob na pagkasabi ni Tukmol na sabay naman ang pagkasubo sa sandwich. Isang subo lang sa sobrang laki ng bibig.

Tukmol: Ang kubo at ang mahiwagang Exclamation Mark

At natapos din ang fieldtrip. Naglakad papuntang sakayan ng mga inarkilang jeep. Mga isang limang daang metro ang lalakarin nila dahil di na makalapit pa ang mga jeep na inarkila nila baka
lumubog sa malambot na bahagi ng daraanan. Habang naglalakad, "Nayd! Sira yata yung
sandwich na binigay mo sa akin! ang sakit ng tiyan ko! natatae ako." bintang ni Tukmol. "Hindi kuya edi sana masakit din ang tiyan ko ngayon, teka sumasakit din yata!" at sumakit din ang tiyan ni Leonard. "Masakit din ang tiyan ko! tumikim din ako ng sandwich mo eh!" nakisali na rin si Luis. "Hindi sa sandwich iyon kundi sa inimom ninyong tubig sa lawa! bulkan pa rin iyon kahit papaano." Sabat naman ni Sonny. "Hehe tara magpahuli tayo tapos hanap tayo ng lugar na pwedeng makapagdumi kayo." mahinang boses ni Jan-jan. Binagalan ng Lima ang kanilang paglalakad hanggang sa mapunta na sila sa likuran ng grupo. "Magkita kita tayo sa nadaanan nating kubo kanina!" utos ni Tukmol.

Isa-isa na silang tumakas. Unang nakarating si Sonny sa kubo, ikalawa si Jan-jan at lumipas ang
kinse minutos wala pa rin ang tatlo. "Ang tagal naman nila! di kaya nahuli sila ni madam?" tanong ni Sonny. "Impossible dahil ako ang pinakahuling tumakas, marahil naghanap na sila ng madudumihan bago pa sila pumunta rito. Di na siguro makayanan ang sakit ng tiyan." sagot naman ni Jan-jan. "Makakahabol naman tayo sa Jeep dahil di aalis yon kung kulang ang mga estudyante." pampalakas loob ni Sonny. "Ano kaya ang nasa loob ng kubong ito? mukhang abandonado na. Tara Sonny pasok tayo at sa loob na maghintay, wala naman siguradong tao diyan." "Oo nga eh, curious din ako kung ano ang nasa loob" sagot naman ni Sonny na sabay ang pagkatadyak sa pinto ng kubo. Bumukas ang pinto na gawa sa kawayan at pumasok ang dalawa. Laking gulat nila nang makita nila na may tatlong armas at ilang mga granada. Tatakbo na sana ang dalawa nang makita nila ang isang sulat sa mesa at kinuha ni Sonny at binasa, "Sunugin ito kapag nabasa, Sa Disyembre 26 natin papatayin si Kapitan, Siguraduhin ninyong wala si Rey kapag babanatan niyo na! Wala kayong ititirang bakas na ibidensiya na tayo ang pumatay. Inuulit ko na sunugin ang sulat na ito kapag nabasa na!". Nanginig sa takot si Sonny at sinabing "Tara na! alis na tayo dito." sabay bitaw sa sulat. Nakalabas na ang dalawa nang "Teka! Balikan natin ang sulat Jan! ebindensiya iyon!". Binalikan ng dalawa ang sulat at nailagay na sa bulsa ni Sonny ang sulat. Nang palabas na sila sa pangalawang beses. "Anong ginagawa niyo diyan?" boses na hindi kilala. Abot tenga ang mga ngipin ng dalawa, ang mga kilay ay lumampas na sa buhok at ang mga mata ay lumabas sa kinalalagyan pero bumalik din kaagad, may malaki ring exclamation mark na lumabas sa kanila na kaagad ding naglaho."Mga bata ano ang nakita niyo sa loob? anong ginagawa niyo diyan" sabi ng isang maskuladong armadong lalaki. "Wala po kaming nakita!" nanginginig na sagot ni Jan-jan. "Bumalik kayo sa loob!" sabi pa ng isang armadong lalaki. "opo, opo!" mabilis na sagot ng dalawa at sabay pasok sa loob. "May armas pala dito ehe! ngayon ko lang nakita" Sabi ni Sonny. At iginapos ang dalawang bata.

Itutuloy...
Next: Si kulotski at ang tatlong L

0 comments: